<

Marahuyo: Pagdalumat sa Kalagayan ng Kababaihan sa Mitolohiyang Pilipino

Ang seminar ay isang mahalagang inisyatiba ng mga mag-aaral ng AB Philosophy mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Manila. Layunin nitong palawakin ang intelektwal na diskurso sa Pilosopiyang Filipino at gender studies sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa makasaysayang papel ng kababaihan sa mitolohiyang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa papel ng kababaihan sa mga alamat at mitolohikal na salaysay, binibigyang-diin ng seminar ang kanilang mahalagang ambag sa kultural na pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino. Bukod dito, ito rin ay nagbibigay-pansin sa kasaysayan, kultura, at tradisyon bilang mahalagang sangkap sa pagbuo ng mga adbokasiyang may kaugnayan sa gender equality.

Sa kabila ng mayamang tradisyon ng mitolohiyang Pilipino, madalas naisantabi ang kontribusyon ng kababaihan dahil sa mga kolonyal na impluwensiyang nagbago sa pananaw ng lipunan tungkol sa kasarian. Ang seminar na ito ay naglalayong balikan ang orihinal na pagkakakilanlan ng kababaihan bilang mga diyosa, babaylan, at bayani na simbolo ng lakas, karunungan, at kagandahan. Bukod sa pagbibigay-liwanag sa kanilang papel sa mitolohiya, tinutugunan din nito ang epekto ng kolonyalismo sa pagturing sa kababaihan at kung paano maaaring gamitin ang mga lokal na salaysay upang itaguyod ang gender equality at isang inklusibong lipunan.

MAIN POSTER

Ang seminar ay magaganap sa ika-23 ng Enero 2025 sa Claro M. Recto Hall, 6th Floor, South Wing, PUP Main Building. Tampok dito ang mga dalubhasa mula sa larangan ng Philippine Studies, History, Gender Studies, at Philosophy na magbabahagi ng kanilang mga pananaw at kaalaman ukol sa konsepto ng Marahuyo. Tatalakayin ng mga tagapagsalita kung paano isinakatawan ng mga mitolohikal na karakter lalo na may angking lakas at kagandahan ng kababaihan, gayundin ang papel ng mga babaylan bilang tagapamagitan ng espirituwal at materyal na mundo. Tutuon din ang diskurso sa mga alamat at salaysay na nagpapakita ng papel ng kababaihan bilang mga bayani na nagtaguyod ng katarungan at pagkakakilanlan ng kanilang komunidad.

Isa sa mga layunin ng seminar ang hikayatin ang mga kalahok na balikan at pahalagahan ang ating kasaysayan at kultura sa pamamagitan ng pagsusuri ng papel ng kababaihan sa mitolohiyang Pilipino. Sa ganitong paraan, maitatampok ang kanilang impluwensiya sa paghubog ng ating pagkakakilanlan bilang isang bayan at ang kahalagahan ng gender equality sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng mga ganitong talakayan, layunin ng seminar na pukawin ang malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa kontribusyon ng kababaihan sa kasaysayan at sa lipunan, na magdudulot ng inspirasyon upang lumikha ng mga mas makatarungan at progresibong komunidad.

Sa pagtatapos ng programa, inaasahan na ang mga kalahok ay magkakaroon ng mas malalim na kamalayan ukol sa koneksyon ng kasarian at kultura sa konteksto ng mitolohiyang Pilipino. Bukod dito, nais nitong magbigay-inspirasyon sa lahat na magbigay-suporta sa mga adbokasiyang may kinalaman sa gender equality. Inaanyayahan ang lahat na dumalo at makibahagi sa talakayang ito. Para sa inyong mga katanungan o nais ipahatid na tulong, maaari kayong mag-email sa pupfilphilosophy@gmail.com o bisitahin ang aming Facebook page na PUP Societas Philosophiae.

Nagpapasalamat ang mga tagapag-organisa sa WhenInManila para sa kanilang pakikiisa at suporta sa adbokasiyang ito. Sama-sama nating bigyang-diin ang kahalagahan ng ating kasaysayan, kultura, at pagkakapantay-pantay ng kasarian tungo sa isang mas makatao at inklusibong lipunan.

Leave a Reply